Mahigit limampu katao ang sumailalim sa pagsasanay bilang mga laang kawal (reservist) ng Hukbong Himpapawid (Air Force) sa EL Nido, Palawan sa kasalukuyan.
Ito ay kinabibiilangan ng mga tauhan ng El Nido Environmental Law Enforcement Council (ENELEC), mga opisyales ng barangay, mga empleyado ng pamahalaang lokal, at mga boluntaryong mamamayan ng El Nido.
Nagsimulang mangalap ng mga nais lumahok sa pagsasanay na nabanggit ang mga tauhan ng 4th Air Force Reserve Center (4th AFRCEN) sa pangunguna ni Maj. Luciano B. Saino Jr. noong buwan ng Pebrero at ang pormal na pagsasanay ay nagsimula noong buwan ng Hulyo.
Noong buwan ng Agosto ay naorganisa ang pamunuan ng Class Kapit-Bisig, ang class name ng mga reservist trainees; at naganap naman ang panunumpa sa katungkulan ng mga nahalal na opisyales noong ika-12 ng Setyembre. Kabilang sa mga nahalal sina G. John Clifford C. Timbancaya bilang pangulo, G. Joel D. Rosento bilang pangalawang pangulo, G. Franklin T. Brumal bilang kalihim, Bb. Leilanie A. Dreo bilang ingat-yaman , G. Jun M. Mones bilang tagasuri, at sina G. Arlene V. Heredero at G. Ronald R. Toñacao bilang mga tagapagbalita.
Naging tampok namang mga paksang tinalakay sa panahon ng pagsasanay ay ang mga dapat at hindi dapat gawin ng isang laang kawal gaya ng paggalang sa mga nakakataas na opisyal ng hukbo at mga civilian officials, paggalang sa karapatan ng kapuwa, pagtanggol sa bayan at mga mamamayan , pagtulong sa mga nangangaialangan sa panahon ng sakuna at mga kalamidad, pakikiisa sa kampanya laban sa mga lumalabag sa batas, tamang disiplina sa sarili, paghawak ng mga sandata, at iba pa. Pinagkalooban din ang mga trainees ng mga uniporme at iba pang kagamitan sa pagsasanay, at subsistence allowance para sa kanilang pagkain tuwing training day.
“Isang malaking prebilehiyo para sa mga maginoong mamamayan ng El Nido ang pagkakaroon ng ganitong uri ng pagsasanay na isinagawa ng mga tauhan ng 4th Air Reserve Center sa pangunguna ng kanilang commander na si Maj Saiyo. Isang malaking tulong ang magagawa ng pagsasanay na ito upang hubugin ang ating mga magigiting na laang kawal sa pagtulong sa ating mga awtoridad sa paglaban sa mga krimen lalo’t higit sa pagsugpo sa mga sumisira sa ating inang kalikasan at sa pagpapanatili ng kapayapaan sa ating mahal na bayang El Nido. Nagpapasalamat din ako sa mga boluntaryong tumugon at nakilahok sa pagsasanay na ito,” masiglang pahayag ni Kgg. Mayor Leonor D. Corral sa kanyang pagsasalita sa ginanap na Induction Ball ng mga reservist trainees.
Ang kasalukuyang isinasagawang pagsasanay ng mga Laang Kawal ng Hukbong Himpapawid sa El Nido ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng koordinasyon ng 4th AFRCEN at ng Pamahalalng Lokal ng El Nido, Palawan sa ilalim ng administrasyon ni Kgg. Mayor Leonor D. Corral. Ito ay tinatayang matatapos sa mga huling linggo ng buwan ng Nobyembre.
December 14, 2009
Roman De Jesus