Isang ligtas at mapagpalang araw sa ating lahat! Dalangin ko sa Panginoong Diyos na ang aking mga kababayan dito sa El Nido ay manatiling nasa kanyang pagkupkop at patnubay, ligtas sa kumakalat na sakit at may pagkain sa bawat tahanan. Matatandaan nating kauusad pa lamang ng kasalukuyang taon, halos ay naalarma na agad tayo sa COVID-19 na unang napabalita sa Wuhan, China, at naging isang pandaigdigang pandemya. Marami ang nahawa at namatay sa iba't ibang panig ng mundo. Nagsara ang malalaking kumpanya, maging ang mga pampubliko at pribadong paaralan. Ang karamihan sa mga tao ay nakakulong sa kani-kanilang bahay, bunga ng mahigpit na pagpapatupad ng community quarantine. Dahil dito, ang karamihan sa mga lungsod at bansa ay nagsara ng kanilang mga paliparan, pantalan at mga terminal. Sa maikling salita, ang pagkalat ng COVID-19 ay nagdulot ng pandaigdigang pagbagsak ng ekonomiya. Walang negosyo! Walang trabaho! Walang kita! Subalit, ang ating mga programa at proyekto ay ating naipagpatulo, naipatupad at naibahagi sa kapakananng ating mga mamamayan sa El Nido. Marami tayong nailunsad na hakbangin pa maalalayan ang ating bayan sa mga pangunahing pangangailangan ng ating mga nasasakupan. Nagbaba din tayo ng mga alituntunin at naglagda ng mga kautusang madalian at maayos nating naipatupad sa ating bayan.